Bigyan ng Kaluwagan ang Mamamayang Naghihirap!
Pigilin ang Pagtaas ng Presyo ng Langis!
Oil Deregulation Law Ibasura!
Hindi pa man nakakatatlong buwan ang taong 2011, walong (8) beses ng tumaas ang presyo ng produktong petrolyo sa bansa. Mula sa average na P44 kada litro ng unleaded na gasolina at P36 kada litro ng krudo noong Disyembre 2010, umaabot na sa P54 kada litro ang unleaded na gasolina at P45 kada litro ang krudo (DOE as of Mar. 8, 2011). Nangangahulugan ito ng mahigit sa P3 pagtaas kada buwan (hindi pa tapos ang Marso). Sa Visayas (P6 – P8 pa ang diperensya) at Mindanao (P5 – P7 pa ang diperensya) higit pang mas mataas ang makikitang presyo ng mga produktong petrolyo.
Sinisisi ang mga pagtaas sa patuloy na pag-akyat ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan. Umaabot na sa mahigit $100 kada bariles ang halaga ng crude oil at tinatayang mas tataas pa, dala ng pag-aalala o pangamba ng merkado sa patuloy na kaguluhan sa mga bansa sa Middle East at North Africa na pawang mga oil producers. Subalit dapat mailinaw na walang aktwal na paggalaw o pagtaas sa halaga ng paggawa ng mga produktong petrolyo at walang signipikanteng epekto sa suplay ng langis na dulot ang mga kaguluhan. Ang pagsikad ng presyo ay bunsod lamang ng spekulasyon at oportunismo ng mga dambuhalang dayuhang mamumuhunan at kumpanya na kumokontrol sa pandaigdigang merkado. Kabilang sa mga ito ang mga mother companies ng mga kompanya ng langis sa bansa tulad ng Royal Dutch Shell (Shell), Chevron-Texaco (Caltex) at Total (Total).
Hostage ang mamamayang Pilipino sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Hostage dahil kontrolado ng mga dambuhalang mamumuhunan ang industriya ng langis sa buong mundo. Hostage dahil dito sa atin pinahintulutan silang kontrolin ang industriya ng langis sa pamamagitan ng Oil Deregulation Law (ODL). Ang pagtatakda ng presyo ay hindi kailangan ipaliwanag at walang ibang konsiderasyon maliban sa kanilang tubo. Sa pagtaas, oras lamang kung mag-abiso at walang maaring pumigil. Sabay sabay kung magtaas at pare-pareho ang presyo.
Inutil ang gobyerno sa pagpigil sa pataas ng presyo gawa ng tinali na ng batas (ODL) ang kanilang mga kamay. Masahol pa, dumagdag pa siya sa pagpapataas ng presyo. Nagpapataw siya ng 12% Value-Added Tax (VAT) sa mga produktong petrolyo. Sa kasalukuyang presyo, mahigit kumulang P5 ang napupunta sa gobyerno sa presyo ng langis. Mahigit dapat sa P248 Milyon kada araw ang koleksyon sa VAT ngunit ito ba ay nakokolekta ng gobyerno at napapakinabangan ng mamamayan? Sa bawat pisong pagtaas kulang kulang P6 Milyon kada araw ang dapat nagagamit para sa panlipunang serbisyo subalit hindi ito maramdaman ng mamamayan.
Alam naman natin kung gaano kahalaga ang langis sa paginog ng ating ekonomiya at pang araw-araw na buhay. Sa bawat pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo hindi maiiwasan ang chain reaction na nauuwi sa pagsirit ng presyo ng mga batayang pangangailangan at serbisyo katulad ng pagkain, gamot, pamasahe, kuryente at marami pang iba. Ang masang naghihirap ang lubhang naaapektuhan ng ganitong kalagayan. Lalo pang hindi sasapat ang sahod o kitang hindi tumataas ng ordinaryong Pilipino para tustusan ang mga pang araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya.
Ang manggagawa sa industriya ng transportasyon naman ay doble-doble ang tama. Ang dati nang kakarampot na kinikita o sinasahod ay liliit pa sa pagtaas ng halaga ng pinakamahalagang sangkap para paandarin ang kanilang mga makina.
Naniniwala ang Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT) na may magagawang aksyon ang gobyerno kaugnay ng presyo ng mga produktong petrolyo kung isasaalang-alang at uunahin ang interes ng mga mamamayan.
Una, para sa immediate relief sa panahong ito ng kagipitan, dapat ipirmi (freeze) ang presyo sa buong bansa ng gasolina at diesel sa antas bago mag-umpisa ang mga kaguluhan sa Middle East at North Africa. Ang presyo ay dapat ibalik at ipirmi sa presyo noong Disyembre 2010.
Gaya ito ng ginawa ni GMA makatapos ang bagyong ondoy at pepeng. Maari muling gamitin ang probisyon sa ODL Chapter IV, Section 14, (e) In times of national emergency, when the public interest so requires, the DOE may, during the emergency and under reasonable terms prescribed by it, temporarily take over or direct the operation of any person or entity engaged in the Industry.
Ikalawa, tanggalin ang VAT sa produktong petrolyo. Kapag ginawa ito, hindi bababa sa P5 ang mababawas sa presyo ng gasolina at krudo.
Ikatlo, magsagawa ng centralized procurement ng langis ang gobyerno para siguruhing hindi maapektuhan ang suplay ng langis sa bansa. Sentralisado at direktang pagbili ng ating gobyerno - gobyerno sa gobyernong transaksyon - sa mga mas malalapit na suplayer ng petrolyo tulad ng Indonesia, Malaysia at Brunei at maging sa bansang Venezuela at Rusya na ilan sa mga pinakamalaking exporter ng petrolyo sa mundo.
Gamitin ng gobyerno ang Philippine National Oil Company (PNOC) para dito. Ang PNOC ay kompanya ng gobyerno na may pangunahing layunin na siguruhin ang sapat na suplay ng langis sa bansa. Kung magiging matapat makikita natin ang tunay na presyo ng pagaangkat ng langis.
Ika-apat, obligahin ang mga kompanya ng langis sa bansa na buksan sa publiko ang kanilang librong pampinansya. Siguradong makikita natin dito ang di makatarungan at mapagsamantalang pagtatakda ng presyo sa langis sa bansa.
At ikalima, ibasura na ang Oil Deregulation Law (ODL) sapagkat sa halos 23 taon nitong implementasyon ay hindi nito nagawa ang pangakong pababain ang presyo ng langis sa bansa. Kabaliktaran ang naging resulta at naging taguan ng mga mapagsamantalang kapitalista ang batas. Pati ang hindi pag-aksyon ng gobyerno para protektahan ang interes ng mayorya ng mamamayan ay nagkukubli sa batas na ito.
Kung magagawa ang mga hakbang na ito, mapipigilan ang pagtaas ng presyo at mabibigyan ng kaluwagan ang mamamayan. At makikita ng sambayanang Pilipino kung kanino naglilingkod si PNoy. Kung sino ang boss ni PNoy. Kung totoong dadalhin ang Pilipinas sa tuwid na landas, na kanyang ipinapangako noong nangangampanya siya para sa pagka-pangulo ng bansa.
Kumilos tayo upang obligahin ang gobyerno ni PNoy na gawin ang ating panawagan. Panghawakan natin ang ating kinabukasan. Lumahok sa ating mga pagkilos.
1. Streamer hanging sa lahat ng mga terminal pang transport March 7-13, 2011
2. Pagpapaliwanag, Leafl eteering at MPT sa mga terminal, March 7-20, 2011
3. Mass action sa DOE head offi ce sa Taguig (weekly oil price update) March 14, 2011
4. Mass action sa Kongreso para sa pagbabasura ng ODL at paghapag ng ating proposals for the recurring oil crisis March 21, 2011
5. Mass action sa Malacanang March 25, 2011
6. National coordinated transport mobilization (NCR, Bulacan, Nueva Ecija, Olangapo City, Baguio, La Trinidad, Isabela, Rizal, Cavite, Calamba City, Lipa City, Tacloban City, Cebu, Bacolod City, Silay City, Cagayan De Oro City, Zamboanga) March 28, 2011