Phase-out ng kuliglig sa Maynila
Hindi Makatarungan, Labanan!
Hindi Makatarungan, Labanan!
Isang mahigpit na pakikiisa ang ipinaabot ng Pagkakakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon sa hanay ng mga pumapasada ng kuliglig sa lungsod ng Maynila. Sama-sama nating haharapin ang unos na nagbabadyang umatake sa inyong hanay.
Sa darating na Disyembre 1, 2010 pamamaskuhan ni Mayor Alfredo Lim ang mga kapatid na manggagawa na pumapasada ng kuliglig sa buong Maynila. Sa bisa ng Executive Order #17, na ipinalabas ng tanggapan ng punong lungsod, ay tuluyan nang tatanggalin sa mga lansangan ng Maynila ang mga kuliglig. Isang pasko at bagong taong walang katarungan ang dala ng hindi makataong kautusan na ito.
Sinasabi ng kautusan ni Mayor Lim na bawal ang pagkakabit ng motor sa mga ating mga kuliglig dahil dapat ay rehistrado ang mga ito sa Land Transportation Office. Bakit hindi natin iparehistro? Kung mga bangkang pangisda na halos parehong motor ang gamit ay napaparehistro sa mga munisipyo, bakit hindi tayo? Hindi solusyon ang tuluyang pagbabawal sa atin. Tayong mga umaasa lamang sa pagpapasada ng kuliglig ay saan pupunta?
Tinuturo ring dahilan ng kautusan ang pagiging sagabal natin sa kalsada. Totoong may ilan sa ating walang disiplina sa daan, ngunit hindi iyan totoo para sa lahat. Dapat maintindihan ng pamahalaan na ito ang ating kabuhayan, sa pagsisikip ng lansangan kasama ang ating kabuhayan sa naapektuhan. Hindi tayo tututol sa pag-aayos ng mga daloy ng trapiko sa Maynila. Hindi tayo tututol, bagkus ay makikipagtulungan sa pagsasaayos ng ating hanay upang hindi maging sagabal. Hindi solusyon ang pagtatanggal sa atin sa kalsada. Tayong mga umaasa lamang sa pagpapasada ng kuliglig ay saan pupulutin?
Tinataya ng pamahalaang lungsod na luluwag na ang mga lansangan ng Maynila sa pagtatanggal sa atin. Maaring totoo, pero paano naman tayo? Saan tayo kukuha para sa pangangailangang pang-araw-araw? Saan tayo kukuha ng pampaaral sa ating mga anak? Sadya bang wala na tayong karapatan sa disenteng buhay?
Malinaw sa ganitong pagkakataon na ligaw talaga ang pamahalaan sa paghahanap ng solusyon sa mga suliranin ng mamamayan. Tayong mga maliliit na manggagawa unang isasakripisyo para tugunan ang mga problema.
Pumalpak na si Mayor Lim sa hostage crisis noon. Huwag na siyang magkamali muli sa usapin ng kuliglig ngayon. Hindi ito ang pagbabagong ipinangako nila ni Noynoy noong kampanya.
Lumahok sa tigil pasada at martsa patungong Manila City Hall sa darating na Lunes, Nobyembre 15, 2010 sa ganap na alas-sais ng umaga (6am).
Ibasura ang Executive Order 17!
Labanan ang phase-out ng kuliglig!
Ipaglaban ang ating karapatan at kabuhayan!
Pamahalaan magsilbi sa manggagawa’t mamamayan!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento