Miyerkules, Oktubre 12, 2011

P-Noy at Korte Suprema, Nasa Bulsa ni Lucio Tan

P-NOY AT KORTE SUPREMA, NASA BULSA NI LUCIO TAN

Si Lucio Tan ay ikalawa sa pinakamayaman sa bansa. Nagkakahalaga ng 2.1 bilyong dolyar ang kanyang pag-aari. Siya ang El Kapitan ng iba't ibang mga kumpanya - kasama ang Fortune Tobacco, Asia Brewery, Allied Bank, Philippine Airlines, atbp.

Sa ngayon, humaharap si Lucio Tan sa dalawang kasong hinain ng kanyang mga manggagawa. Sa mga kasong ito, agad na kumampi sa kanya ang Malakanyang at ang Korte Suprema.

Ang unang kaso ay mula sa 2,600 empleyado ng Philippine Airlines, na tinanggal sa kompanya dahil ayaw nilang maging kontraktwal sa ilalim ng mga service provider. Tinututulan nila ang outsourcing - isang iskemang iligal at sumisikil sa karapatang security of tenure.

Kasalukuyang nasa Court of Appeals ang kaso. Pero bago ito humantong sa Korte, si Lucio ay pinaboran ng DOLE at ng Malakanyang.

Mismong si P-Noy ay nagdeklarang kakasuhan daw ng mga abogado ng Palasyo ang mga manggagawa. Economic sabotage daw ang nangyaring pagkakansela ng mga flight ng PAL. Pero ano ba ang ginawa ng unyon (PALEA)? Sila ay nagprotesta sa pagkakatanggal sa trabaho. Bakit nakansela ang mga flight? Dahil sa ginawang pagtatanggal ng PAL management! Sino ngayon ang nananabotahe?

Ang ikalawang kaso ay ukol sa retrenchment ng 1,400 myembro ng Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines (FASAP). Nanalo na ang mga manggagawa sa kasong ito. Umabot na sa ikalawang dibisyon ng Korte suprema - matapos ang 13 taon na mahabang proseso ng talo't panalo - ng apela at kontra-apela mula pa sa "mababang korte" (National labor Relations Commission o NLRC).

Sa desisyon ng 2nd division ng Korte, umabot na sa ikatlong Motion for Reconsideration. Kahit pa noong desisyunan ang kaso - pabor sa FASAP - sinabi nitong ang desisyon ay "final and executory". Pinal na at hindi na papakinggan pa ang anumang apela dito.

Pero sa isang iglap, kahit tatlong beses nang paboran ng Korte, muling nabuksan ang kaso matapos lamang silang sulatan ng abogado ng PAL (si Estelito Mendoza ng counsel ni Erap sa impeachment case). Kaya ngayon, nakabinbin muli ang kaso sa buong mahistrado (Supreme Court en banc).

Bakit ganito kalakas si Lucio Tan sa Korte Suprema? Hindi ba't ang hustisya ay may piring sa mata upang hindi siya "masilaw sa yaman" ng nagkakaso o kinakasuhan? At hindi ba't ayon mismo kay Erap, si Lucio Tan ang nagpasok kay dating Chief Justice Davide sa Korte?

Natutukso tayong magduda. Tila sumusunod ang Korte sa ginawang "kontra-manggagawang" tindig ni P-Noy sa kaso ng PALEA. At ang alitan ng Korte at Palasyo ay hanggang salita lamang dahil kapag sinukat sa "gawa", pareho silang umaayon sa kagustuhan ni Lucio Tan.

At hindi natin maiwasang maghinala sa kaso ng FASAP. Ang ligal na obligasyon ni Lucio Tan (full back wages matapos ang reinstatement) sa kanyang mga empleyado ay umaabot ng 3 bilyong piso! Barya lamang ito sa bilyon-bilyong dolyar niyang ari-arian.

Pero imbes na bayaran ang mga myembro ng FASAP, mas mainam pa rin kay Lucio kung siya ay "makatitipid". Kung porsyon ng kabuuang money claim (kung ipagpalagay na 10% lamang o P300M) ay kayang-kayang "wawaldasin" sa iilang mahistrado (ang Supreme Court en banc ay binubuo lamang ng may 15 katao!) para makatipid.

Hindi kalabisan ang paghinalaan ang isang respetadong institusyon sa bansa. Dahil ang ganitong klase ng "pagtitipid" ay modus operandi sa mga kasong may money claim ang manggagawa. Ito rin ang sistema sa NLRC!

Sa muling pagkakataon, itinuturo nito na huwag tayong umasa at magkasya sa "simple, lantay at payak" na labanang ligal. Hindi sapat ang "pakikibakang papel" sa mga korte.

Magkaiba ang "tama" at "mali" sa pagitan ng kapital at paggawa. Ang husgado - kasama ang Korte - na tila nyutral na namamagitan sa dalawang uri - ay mas kumikilala sa katuwiran ng mga kapitalista. Sinasagrado nila ang karapatan sa pribadong pag-aari (property rights) kaysa sa mga karapatan ng manggagawa (labor rights).

Kung gayon, mananaig tayo kung kokombinahan natin ito ng sama-samang pagkilos ng manggagawa. Hindi lang para presyurin ang korte na pumabor sa FASAP at PALEA. Kundi para iprepara ang uri upang palitan ang gobyernong nasa bulsa ng mga kapitaista. Tandaan nating "ang paglaya ng manggagawa ay nasa kamay mismo ng uring manggagawa."

Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)
Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT)
Partido Lakas ng Masa (PLM)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento