Sabado, Oktubre 22, 2011

polyeto - Occupy Wall Street, Occupy Ayala - Oktubre 21, 2011

Nilalaman ng polyetong ipinamahagi sa isinagawang pagkilos sa Ayala, Makati, Oktubre 21, 2011.

PAGKAGANID SA TUBO: PAHIRAP SA MASANG PINOY

Nakikiisa kami sa pandaigdigang panawagan laban sa pagkaganid sa tubo at emperyo ng kapitalismo. Itinuturing namin ang "Occupy Wall Street" bilang inspirasyon sa mundong pinaagas ng mga pandaigdigang monopolyong korporasyon.

Doon sa puso ng kaaway - sa pinakamalaking kapitalistang ekonomya ng mundo - sumisigaw, kumikilos ang mga manggagawang Amerikano sa iba't ibang syudad laban sa pinakamalaking agwat ng mayaman at mahirap sa mahabang kasaysayan ng sistemang kapitalismo sa daigdig.

Ang "Occupy Wall Street" ay naghawan ng bagong daan na nagpadaluyong ng protesta sa buong mundo laban sa bulok na sistemang kapitalismo na ugat ng kahirapan ng sangkatauhan. Sa maraming bansa, inokupa ng mga nagpoprotesta ang mga plaza upang ipakita ang kanilang matinding galit sa pagkaganid ng mga korporasyong kapitalista.

Tayong mamamayang Pilipino ay matagal na ring biktima ng pagkaganid sa tubo ng mga kapitalista, kaya nagpoprotesta kami dito sa Philippine stock Exchange na simbolo ng walang hanggang pagkauhaw sa tubo.

Ngunit higit na mahalaga ang nilalaman kaysa porma, lumalahok kami sa pandaigdigang panawagang "Mamamayan muna bago tubo." Kaya, dapat unahin ng gubyerno ang kapakanan ng mamamayan kaysa pagkamal ng tubo ng iilang mayaman na.

Nananawagan kami sa Gubyernong Aquino - sa ngalan ng katarungang panlipunan - na baliktarin ang sumusunod na tunguhin, na pawang salaminan kung paanong ang pagkaganid sa tubo ay nagpapahirap sa mamamayang Pilipino:

1. No to Outsourcing and Contractualization! Humingi ng paumanhin sa publiko ang Pangulo sa pagbabanta niyang kasuhan ang PALEA ng “economic sabotage.” Magdeklara ng polisiya na protektahan ang karapatan sa regular at tiyak na trabaho laban sa abusadong paggamit sa “management prerogative” gaya ng outsourcing at downsizing.

2. No to Oil Deregulation! Repasuhin ang mga polisiya kung paano ibabalik ang pagkontrol sa presyuhan ng langis. Sapat na ang labintatlong taong ebidensya para patunayang kung walang kontrol ang gubyerno, walang depensa ang mamamayan sa napakatakaw na pagkamal ng tubo ng mga kapitalista sa langis.

3. In-city Development! Makatao at sustenableng kondisyon (hindi mataas na presyo para sa mga kapitalista sa real estate) ang dapat na pagsimulan ng anumang usapan at resolusyon sa problema ng maralitang lungsod.

4. No to Privatization! Ang pagbebenta ng gubyerno sa pribado (lokal at dayuhang kapitalista) ng mga batayang serbisyong panlipunan gaya ng kuryente, tubig at kalsada ay nagbunga ng sobrang taas na presyo. Di dapat talikuran ng gubyerno ang tungkulin nito sa mamamayan na maglaan ng sapat na pondo, maalam na tauhan, at episyenteng pangangasiwa para sa serbisyong panlipunan. Itigil ang pribatisasyon; huwag pagkaitan ang mamamayan ng serbisyong panlipunan.

5. No to Liberalization! Di dapat iasa ang ekonomikong pag-unlad sa dayuhang puhunan gaya ng dayuhang monopolyo kapital at produkto ng mga dayuhan. Paunlarin ang ekonomya sa pamamagitan ng industriyalisasyon at modernisasyon ng agrikultura.

6. Climate Justice Now! Ang pagkaganid sa tubo ng kapitalismo ay di lamang nagkakait ng trabaho at sapat na kita sa mamamayan kundi banta o panganib rin ito sa ating kinabukasan. Ang mundo ay para sa lahat. Itaguyod ang sustenable at planadong paggamit ng likas-yaman.

SANLAKAS
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)
Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT)
Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)
Aniban ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA)
Partido Lakas ng Masa (PLM)
Kalayaan!
Makabayan Pilipinas
SM-ZOTO

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento