MENSAHE NG PAKIKIISA
SA KONGRESO NG ZOTO
Setyembre 24, 2011
Isang mapagpalayang pagbati ang ipinaaabot namin mula sa Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT) sa Kongreso ng Zone One Tondo Organization (ZOTO). Mabuhay kayo, mga kasama.
Ang inyong pagsisikap bilang isang organisasyon na tulungan ang inyong kapwa maralita ay isang dakilang layuning di kayang pantayan ng sinumang organisasyong elite o kapitalista. Ang inyong mga programa at pagkilos para sa maralita ay tunay na nakapagbibigay ng kahit man lang kaunting ginhawa na di magawa ng mismong mga naghahari-harian sa ating lipunan. Kaya ang ZOTO'y nananatiling isang inspirasyon. Tumagal na kayo ng higit sa apat na dekada, at kayo ang itinuturing na pinakamatandang organisasyon ng maralita sa kasaysayan. Ang inyong mga nagawa sa haba ng inyong kasaysayan ay isang inspirasyon, di lamang sa kapwa maralita, kundi sa iba pang sektor ng lipunan, tulad namin sa transport.
Tayo'y nagkakaisa sa pakikibaka para sa pagbabagong panlipunan. Tayo'y nagkakaisang ipinaglalaban ang kapakanan ng karaniwang tao, lalo na ng mga maralita at manggagawa, sa pabrika man o sa transport. Tayo'y nagkakaisang nagagalit sa mga nagdaang rehimen na iniitsapwera ang mga tulad nating mahihirap. Tayo'y nagkakaisang ipinaglalaban na mabago na ang sistemang kapitalismong yumurak at patuloy na yumuyurak sa buhay at dignidad ng ating kapwa.
Inaasahan po namin na tayo'y magpapatuloy na magkakaisa lalo na sa marami pang isyu ng lipunan, at patuloy tayong makikibaka para sa katiyakan ng ating mga karapatan, at matiyak na ang buhay at dignidad ng maralita bilang tao ay iginagalang at di binabalewala.
BAGUHIN ANG LIPUNAN! MAKIBAKA PARA SA TUNAY NA PAGBABAGO!
MABUHAY KAYO, MGA KASAMA!
MABUHAY ANG ZONE ONE TONDO ORGANIZATION!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento