Malacanang, walang magagawa!
Ganyan ang linya ng administrasyong Aquino sa usapin ng walang tigil at di-makatarungang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa. Ang pangako ni Pnoy na “maari na muli mangarap ang bawat Pilipino” ay nauwi sa bangungot ng kahirapan sa maiksi pa lamang niyang paninilbihan. Sadyang ipinaubaya ang ating mga buhay at kinabukasan sa kamay ng mga kapitalistang walang ibang tintingnan kundi ang kanilang tubo.
Sa totoo lang ano na nga ba ang nagawa ni Pnoy?
Ang dati ng mataas na bayarin sa kuryente ay tataas na naman. Ano ang kanyang ginagawa? Wala!
Halos tatlong libong manggagawa ng Philippine Airlines ang mawawalan ng regular at disenteng trabaho. Ano ang kanyang ginawa? Wala!
Limang libong pamilya ang inilayo sa kanilang kabuhayan at may tatlong libo ang tatanggalan ng tirahan sa North Triangle, Quezon City. Ano na ang kanyang ginagawa? Wala!
Sa lahat ng pagkakataong ito sino ba ang nagsasamantala at tumitiba sa paghihirap ng masa? E di ang tunay niyang mga boss - ang mga Cojuangco at Ang (Petron), ang mga Pangilinan at Lopez (Meralco), ang Lucio Tan (PAL), ang mga Ayala (Ayala Land) at mga dambuhalang dayuhang kapitalistang sinisipsip ang ating dugo hanggang matuyo.
Ngunit totoo bang walang magagawa o pilit lamang niyang sinasara ang kanyang mga mata sa mga solusyong nasa harapan na niya? Para sa Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT) may magagawa kung ang kapakanan ng mamamayanan ang isasaalangalang. Ika nga “maraming dahilan kapag ayaw, maraming paraan kapag gusto”.
Sa usapin ng langis, habang gasgas na gasgas na ang dahilan na walang magagawa ang pamahalaan dahil sa Oil Deregulation Law (ODL), nakaligtaan ata ni Pnoy na mismong sa loob ng mapagpahirap na batas na ito ang isang mekanismo na maaring gamitin upang maibsan ang pagdurusang dinaranas ng mga tsuper at lahat ng Pilipino, sa pangkalahatan.
Ayon sa batas na ito, itatayo ang isang Department of Energy at Department of Justice Task Force upang aksyonan kaagad ang anumang report ng sinumang tao na may hindi makatarungang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo. 30 araw lamang ang binibigay sa Task Force upang aralin at imbestigahan ang report at gawan ng karampatang aksyon.
Ngunit ginawa na ba ito? Hindi ni Erap, hindi ni Gloria at kahit si Pnoy ay di pa ito ginagawa. Bakit? Sapagkat hindi sila tatalikod sa uri nila, ang uri nilang mapagsamantala.
Walang magoobliga sa kanya na gawin ito kundi ang ating mahigpit na pagkakaisa at masikhay na pagkilos para igiit ang ating karapatan at kapakanan. Ipabatid natin sa kanya na tayo, kapag nagsama-sama, ang totoong makapangyarihan, ang totoong boss niya. At kung hindi niya magagawa ang inatang natin sa kanya ay tayo na mismo ang gagagawa nito. Wala ng dahilan para iupo pa siya sa kapangyarihan.
Kung ang MalacaƱang, walang magagawa, ang mamamayan, may magagawa!
Sama-sama tayong kumilos upang igiit:
1. Panagutin ang mga manlolokong kuimpanya ng langis sa bansa.
2. Agarang i-rolbak ang presyo ng mga produktong petrolyo higit pa sa P9.00 kundi sa makatarungang presyo nito.
3. Ibasura ang Oil Deregulation Law.
4. Alisin ang Value-Added Tax sa Langis at iba pang kalakal na mahalaga sa buhay ng manggagawa at masang Pilipino.
Sumama sa pagsampa ng reklamo sa DOJ – Setyembre 14, 2011, DOJ, Padre Faura, Manila City.
Lumahok sa mga lokal na pagkilos – Setyembre 24, 2011 (NCR, Calamba, Malolos, Cabanatuan, Imus, Baguio, La Trinidad, Bacolod, Silay, Cebu, Tacloban, Cagayan de Oro, Ozamis, Zamboanga, Davao).
Lumahok sa Nationwide Unified Transport Strike!
PAGKAKAISA NG MANGGAGAWA SA TRANSPORTASYON (PMT)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento