Miyerkules, Setyembre 21, 2011

ps - 092011 - Tagalog version

PRESS STATEMENT
Setyembre 20, 2011
Dante Lagman, President
Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT)

Reaksyon kay MMDA Chairman Tolentino at Spokesperson Lacierda

Huwag ninyo kaming kutyain. Huwag ninyong tuyain ang tinaguriang “transport strike” kung hindi nito nagawang paralisahin ang transportasyon.

Sapagkat higit na mas masahol ang kawalang-aksyon ng Malakanyang sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis. Dapat pa ngang kayo ay kinokondena – hindi lamang tinutuya’t kinukutya! Dahil pinababayaan niyong sumirit pataas ang presyo ng langis sa kabila ng di-maitatangging epekto nito sa taumbayan. Dahil ayaw ninyong obligahin ang mga kumpanya ng langis na irolbak ang kanilang mga presyo. Dahil pinananatili ninyo ang VAT sa mga produktong petrolyo.

Isa kayong gobyernong kasabwat sa pandarambong ng mga kompanya ng langis! Mas mainam para sa inyo ang mataas na presyo dahil mas mataas ang VAT na inyong nakokolekta mula dito!

Totoong hindi nagtagumpay ang tinawag na “transport strike”. Paano nga ba nasusukat ang tagumpay ng isang welga (sa transportasyon man o sa pabrika)?

Una, ang welga ay dapat na may kakayahang paralisahin ang negosyo ng kanyang tinutunggali. Ikalawa, ang pagpigil sa sirkulasyon ng kapital ay magreresulta ng pagbibigay – maaring parsyal o buo – sa mga kahilingan ng mga welgista.

Sa dalawang sukatang ito, masasabi nating nabigo ang “transport strike”. Subalit para sa amin, bago pa man dumating ang September 19, alam na naming hindi pa sapat ang lakas ng sektor para sa paralisis ng transportasyon. Kaya nga’t ang aming pagkilos para sa regulasyon at kontrol sa industriya ng langis ay aming binansagang “nationwide protest”.

Pero ang ganitong “pagkakamali” ng PISTON at ni Mateo ay maari pang palagpasin. Marahil ito ay ginawa nila para sa “media mileage” ng isang isyung lubos na nangangailangan ng ispasyo sa midya.

Dahil hindi namin itinuring ang nakaraang protesta bilang isang welga, tahasan naming idinedeklarang ito ay hindi nabigo kundi nagtagumpay ang aming mga pagkilos! Sapagkat napopularisa nito, sa pambansang saklaw, ang panawagan laban sa VAT at oil deregulation. Dahil imbes na tanawing perwisyo, nakita nila ang benepisyo sa publiko ng pagkontrol sa presyo ng langis at pag-aalis ng VAT sa produktong petrolyo.

Kaya’t ang nationwide protest laban sa mataas na presyo ng langis ay isang “break-in” – isang preparasyon para sa ganap na paralisasyon ng transportasyon sa darating na panahon. Tiyak ang paghinog sa ganitong antas ng labanan lalupa’t nang-iinsulto pa ang mga kumpanya ng langis matapos ang “nationwide transport strike”. Taliwas sa kanilang intensyon; gagatungan ng dalawampung sentimo (P.20) kada litrong rolbak ang disgusto’t diskontento ng publiko sa kanilang kahayukan sa tubo!

Dapat tanungin sina Lacierda at Tolentino sa kanilang panunuya sa “transport strike”. Ang nais ba nila ay totoong paralisis ng transportasyon? Hindi na namin sila kakasuhan ng “inciting to sedition”. Ituloy lamang nila ang pagwawalang-kibo sa hinaing ng mamamayan, at balang-araw, aming pagbibigyan ang kanilang kagustuhan! #

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento